PANOORIN: Pagbasa ng mga Aktres ng Teatro ng mga Akda sa Filipino
Ngayong Buwan ng Wika, inimbita namin ang mga batikang aktres na sina Angeli Bayani (Buwan at Baril, Arbol de Fuego), Cris Villonco (Matilda, Fun Home), Roselyn Perez (Vanya and Sonia and Masha and Spike, The Normal Heart), at Skyzx Labastilla (Labor Room, Ang Dalagita’y ‘sang Bagay na Di-buo) upang basahin ang mga makabuluhang akda na isinulat ng mga kababaihan:
Isang sipi mula sa “May Isang Alamat”, isang dystopian play tungkol sa isang isla kung saan dahil sa kakulangan ng pagkain, nauwi ang mga tao sa kanibalismo.
“Babae Ka”, isang kanta na isinulat ni Ananias ‘Ani’ Montano noong 1981 na ipinasikat ng protest duo Inang Laya noong 1986.
[row]
[column size=’1/2′]
MAY ISANG ALAMAT
ni Layeta Bucoy
Si Bathala’y nagpahinga, sa mga nilikha’y may pangakong iniwan,
kung sakali’t buhay sa isla’y dilaan ng apoy tulad ni Ulilang Kaluluwa,
di tulad ng naganap kay Galang Kaluluwang kanyang kaibigan,
buhay ay di hahayaang pumanaw ng diyos na Bathala ang pangalan.
Nguni’t mga tao’y nabuhay di lamang bilang mga katawan
Sa bawat dibdib, sa loob ng puso’y may nananahan
Kung kaya’t ang mga magulang, sa kapakanan ng anak,
Buhay handang ialay, dugo man nila ay dumanak.
Ang nananahan sa puso, kagandahang higit pa sa asul na karagatan
Sa luntiang kapaligiran o sa makulay na kalangitan
Ngiti ang hatid sa bawat mukha, patunay na buhay di lang lagusan
Di lang hangganan, di lamang pagkain ang bawat katawan.
Pagkat sa loob ng katawan, doo’y nananahan
Ang papawi sa tunay na gutom nino man
Hindi nahahawakan, nakikita, o nangunguya
Ngunit nadarama, tunay na kagandahan, halaga ng buhay.
Ang ngalan ay pag-ibig, tanging kapangyarihan
Upang ang tao’y maging tao
Upang mapangalagaan, magawang pagmalasakitan
Ang buhay sa isla.
[/column]
[column size=’1/2′]
BABAE KA
ni Ananias ‘Ani Montano
Babae ka,
hinahangad, sinasamba
Ipinagtatanggol, ikaw nama’y walang laya.
Ang daigdig mo’y
Lagi nang nasa tahanan
Ganda lang ang pakinabang,
Sa buhay walang alam.
Ang pinto ng pag-unlad
Sa iyong laging nakasara
Harapin mo,
Buksan mo
Ibangon ang iyong pagkatao
Babae ka.
Kalahati ka ng buhay
Kung ikaw kaya’y wala
Saan ang buhay ipupunla?
Napatunayan mo
Kaya mong ipaglaban
Ang iyong karapatan
At ganap na kalayaan.
Ang pinto ng pag-unlad
Sa iyong ngayo’y nakabungad
Harapin mo,
Buksan mo
Ibangon ang iyong pagkatao
Babae ka.
Dati sa akala ay mahina ka
Halaga mo ay di nakikita
Bisig man sa lahat ay kulang
Ngunit sa isip ka binayayaan
Upang ang tinig mo’y maging mapagpasya
Upang ikaw ay lumaya
Lumaban ka,
Babae may tungkulin ka
Sa pagpapalaya ng bayan
Na siya nating simulan
‘Babae Ka’ hango sa teksto mula sa “Philippine Literatures: Text, Themes, Approaches” ni Augusto Antonio A. Aguila, Joyce L. Arriola, at John Jack G. Wigley[/column][/row]
Salamat kina Layeta Bucoy, Tuxqs Rutaquio, Astarte Abraham, John Mark Yap, at Erica Jacinto. Kinuha at in-edit ni Gian Nicdao.
With additional reporting by Nikki Francisco