DLSU’s Harlequin Theatre Guild Re-stages Kabilang Ibayo
Sa kabila ng mga hamon at alitan na hinaharap sa pagsasama-sama ng mga bansang bahagi ng ASEAN+3, itatanghal ng DLSU Harlequin Theatre Guild sa ikalawang pagkakataon ang Kabilang Ibayo–tatlong dula sa isang palabas. Tampok ang Mysteryland, Robot, at Ahjumma, sa panulat ni Ginoong Nicolas Pichay, 20th Palanca Hall of Fame Awardee, at sa direksyon ni Ginoong Romualdo “Raffy” Tejada, Punong Direktor ng guild para sa sining. Ipinapakita ng dula ang pagpupunyagi ng mga bansa na magkaisa sa kabila ng pagkakaiba sa pulitika at kultura.
Mysteryland
Magtatagpo ang tatlong kabataan mula sa China, Vietnam, at Laos para mag-audition sa Mysteryland — isang movie theme park na nagtatampok ng mga prinsesa’t prinsipe sa mundo ng mga mahihiwagang kwento. Mahanap kaya nila ang kanilang “happily ever after?” Paano kung matuklasan nila ang katotohanan sa likod ng mundong kanilang pinapangarap?
Robot
Dalawang scientist mula sa Singapore at Malaysia ang nagmamadaling gumawa ng perpektong robot bago sumapit ang D-Day. Lingid sa kanilang kaalaman, ang robot na itinulad nila sa pag-uugali ng mga kasambahay na Pilipina ang magbubunyag ng tunay nilang nadarama, hindi lamang tungkol sa konsepto nila ng pagtitiwala sa mga dayuhan, kundi para sa isa’t isa.
Ahjumma
Sa araw ng kaniyang kasal, malalaman ni Eunchae, isang senior citizen sa South Korea, na ang matalik niyang kaibigan na si Minjoo ay minsan nang naging comfort woman noong World War II. At higit pa roon, pinaghihinalaan na ang lalaking kanyang papakasalan ay ang lalaking gumahasa rin sa kaibigan niya. Magagawa pa kaya nilang magpatawad? O paiiralin pa ang mga masasakit na alaala at mga sugat ng kahapon?
Ang Kabilang Ibayo ay itatanghal sa Br. Andrew Gonzalez Multi-Purpose Hall, ika-20 palapag, De La Salle University, sa Nobyembre 24, 4:00 n.h. at 7:00 n.g.; Nobyembre 25, 1:00 n.h., 4:00 n.h. at 7:00 n.g.; at Nobyembre 26, 1:00 n.h., 4:00 n.h. at 7:00 n.g. Ang early bird tiket ay mabibili sa halagang Php 200, habang ang regular naman ay makukuha sa halagang Php 220 lamang. Maaring makipagugnayan kay Elijah Gabriel Flores sa 0917 850 8049, o bumisita sa facebook.com/dlsuhtg para sa karagdagang impormasyon.
For more information about what’s happening in the Manila theater scene, please view our Theater Calendar.